Wednesday, 7 January 2015

Imus Cathedral

Narito na tayo sa Imus Cathedral.

Imus Cathedral



Ang "Cathedral of Our Lady of te Pillar" o mas kilala bilang Imus Cathedral, ay isang Katolikong simbahan sa bayan ng Imus. Ang katedral na ito ay naitatag noong 1795 bilang parokyang simbahan ng mga paring Augistinian. Si Padre Frasisco de Santiago, OAR, ang naging unang pari ng parokyang ito.

Baldomero Shrine

Puntahan naman natin ang Baldomero Shrine.

Baldomero Shrine


Ang Baldomero Shrine ay ang tahanan na ipinatayo ni Hen. Baldomero Aguinaldo, pinsan ni Emilio Aguinaldo, noong 1906 para dito siya manirahan kasama ng kanyang mga anak. Si Baldomero ay naging pinuno rin ng Himagsikang Pilipino.



Tableta tungkol sa bahay
Sa likod ng bahay niya ay matatagpuan ang kanilang family plot na kung saan dito nakalibing si Hen. Baldomero at ang kanyang pamilya.

Napakasimple lamang ng tirahan ni Baldomero, di tulad ng Aguinaldo Shrine, ngunit napakaganda pa rin nito. Ang simpleng kasangkapan, ang katahimikan sa kapaligiran ay nagbibigay ng pakiramdam na kapayapaan. Ang ilang gamit, tulad ng piano at ng mga larawan sa dingding, ay makaluma na at hindi lagi gumagana pero ito ay nagbibigay parin ng kagandahan sa kapaligiran. 
Tableta tungkol kay Baldomero

Nagustuhan ko ang bahay ni Baldomero, dahil kahit napakasimple lang nito kumpara sa bahay ni Emilio. Kahit hindi siya magarbong tignan at maliit lang, nakakapayapa ang kapaligiran at mas tahimik at malinis. 

Piano

Aguinaldo Shrine

Patungo naman tayo sa Aguinaldo Shrine.

Aguinaldo Shrine
Larawan ng magkakapatid na Aguialdo
Tanyag na tanyag ang Aguinaldo Shrine sa Pilipinas, dahil noong ika-12 ng Hunyo, taong 1898, dito unang iwinagayway ni Emilio Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas opisyal na idineklara ang kalayaan ng mga Pilipino sa mga Kastila. Dito rin nanirahan ang kanyang, mga magulang, pitong kapatid, at siya mismo. Dito rin sa bakuran niya inilibing si Aguinaldo, ayon sa kanyang kahilingan.


Sa loob, maraming kwarto ang aming nasilayan, at mayroon din kaming nakitang mga secret passageways na ginamit ng pamilya tuwing may umaatake. Makikita mo ang pagka-makabayan ng pamilyang Aguinaldo sa mga sagisag na nakaukit sa dingsing, kisame at sahig na yari sa mamahaling narra at kamagong.

Isang bahagi ng sala ng Aguinaldo Shrine


Isa sa mga asotea sa tahanan
Ito ang pinaka-paborito kong napuntahan, hindi lang dahil nakakamangha ang itsura nito sa loob at labas, kundi dahil na rin sa dami ng matututunan mo sa isang bisita. Ang taga-gabay sa aminay naghandog ng napakaraming trivia at impormasyon tungkol sa bahay at buhay ng mga Auinaldo. Nakakabighani talaga ang kasaysayan ng kanilang pamilya, at kahanga-hanga talaga na sa daing taon ang nakalipas, ay nakatayo pa rin ito at nagsisilbing inspirasyon na matutunan natin ang ating sariling kasaysayan. 



Ako sa tabi ng mga tableta
sa Aguinaldo Shrine


Parokya ni San Miguel Arkanghel

Pagkatapos ng isang maikling biyahe, tayo naman ay nasa Parokya ni San Miguel Arkanghel.

Parokya ni San Miguel Arkanghel

Ang Parokya ng San Miguel Arkanghel ay itinatag noong ika-18 ng Enero 1752 mula sa kapangyarihan ng isang Cedula Royal na isinabatas ni Ferdinand VI, Hari ng Espanya, sa taon ng panunungkulan ni Papa Benito XIV, na kanyang ipinahatid kay Luis Perez DasmariƱas, ang Gobernador Heneral sa Pilipinas. Mula noon, ang parokya ng ng Bacoor ay humiwalay mula sa Kawit. Napag-alaman na ang kapilya sa Bacoor na gawa sa kawayan, pawid at nipa, ay itinayo noong 1669 sa dating lugar na siyang kinatitirikan nito ngayon.


Tableta tungkol kay
Padre Mariano Gomez
Si Padre Mariano Gomez ang naging kura paroko sa bayan ng Bacoor sa loob ng 48 na taon. Isinilang siya sa Sta. Cruz, Manila noong Agosto 2, 1799. Siya ang nagtanggol sa karapatan ng mga paring Pilipino. Isinangkot siya sa pag-aalsa sa Kabito noong Enero 20, 1872 at ipinapatay noong Pebrero 17, 1872 na kasama sina Padre Jose Burgos at Jacinto Zamora (GOMBURZA). 

Nakakatuwa ang pumunta dito dahil hindi lang ako namangha sa kalinisan nito sa loob at labas, natutunan ko pa ang kasaysayan nito, at nakakausap din kami ng isang mabait at masigasig na matanda, na nagturo sa amin ng nalalaman niya tungkol sa parokya.

Cuenca Residence

Sunod naman ang Cuenca Residence.

Ang labas ng Cuenca Residence

Ang Cuenca Residence, kilala rin sa pangalang "Bahay ng Tisa", ay isang tahanan na tinuturing "unang Malacanang ng Pilipinas" noong kapanahunan ni Aguinaldo. Pagmamay-ari ito nina Juan Cuenca at Candida Chavez noong 18 dantaon.

Cuenca Residence Marker
Naging tanyag ito dahil dito nanatili si Heneral Emilio Aguinaldo pansamantala sa loob ng tatlong buwan at naging himpilan ng rebolusyonaryo bago pa man sila magtungo sa Malolos noong ika-10 ng Setyembre, 1898. Dito binalak ni Aguinaldo, kasama ni Apolinario Mabini, ang Konstitusyon.

Sinasabi din na mayroong tatlong malalalim na balon dito: isa sa ikalawang palapag, isa patungo sa azotea, at isang malapit sa puno ng santol. Mayroon din silang tatlong labasan dito: patungo sa parokya ng Bacoor, sa ilog ng Imus, at marami pang iba na tanging mga Katipunero lamang ang may alam, para kung sakali'y biglang sila'y atakihin ay makakatakas sila agad.







Hindi ako gaanong nasiyahan sa pagtungo namin dito dahil ang mismong pook ay sarado pa sa publiko, at tanging mga larawan lang ang nakuha namin. Ngunit nasasabik akong pumunta rito kung kailan man sila bukas.

Ang Kabihasnang Makabayan sa Cuenca Residence

Zapote Battlefield Bridge and Monument

Nagsimula ang aming paglalakbay sa Zapote Battlefield Bridge and Monument

Zapote Monument

Ang tulay ng Zapote ay isang pook na kung saan dalawang digmaan ang naganap: noong Pebrero 1897, nakipaglaban ang mga rebolusyonaryong Pilipino laban sa puwersa ng mga Kastila, at noong Hunyo 1899, laban naman sa mga Amerikano.


Noong 1899, may tatlong-libong Amerikano ang nakipag-giyera, na pinamunuan ni Heneral H.W. Lawton, habang limang-libo naman ang mga Pilipino, na pinamunuan nina Heneral Artemio Ricarte at Heneral Mariano Noriel. 

Ito ay tinaguriang isa sa mga pinakamalaking labanan sa Digmaang Pilipino-Amerikano sa Zapote, Cavite.


Zapote Battlefield Marker

Nakakagulat para sa akin, na ang isang simpleng tulay na nadadaanan ko minsan, ay pinagganapan pala ng hindi lang isa, pero dalawang laban, at nakakatuwang isipin na sa tagal at tindi ng panahon ay nakatayo parin ito. 

Ngunit, kasabay nito, nakakalungkot rin, na ang isang makasaysayang pook na tulad nito ay hindi na kinikilala ng kabataan, at napapaligiran na rin ng basura at dumi. Na kahit, sa dami ng dinanas nito at sa tibay nito, ay kinalimutan na siya bilang isang tagpuan ng laban.

Ang aking mga kagrupo sa Zapote Bridge
Ako sa harapan ng monument

Ang Kabihasnang Makabayan